Parak nagpaputok ng baril, nambugbog pa sa Xmas party


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

December 26, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nasa hot water nga­yon ang isang pulis na mahaharap sa kasong kriminal matapos itong masangkot sa indiscriminate firing at pambubugbog ng isang sibilyan sa pagdaraos ng Christmas party sa Estancia, Iloilo, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 6, ang nasabing parak na may ranggong P/Senior Master Sergeant na hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan ay kakasuhan ng illegal discharge of firearms at physical injuries.

Alinsunod sa direktiba ni Acting PNP Chief P/Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang indiscriminate firing ay mahigpit na ipinagbabawal sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.

Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente kamakailan sa isang Christmas Party sa bayan ng Estancia, Iloilo o ilang araw bago sumapit ang pagdiriwang ng pasko.

Sa pahayag ng mga testigo habang ginaganap ang party ay bigla na lamang umanong nagpaputok ng baril ang nasabing parak ng sunud-sunod kung saan binalot ng tensiyon ang nasabing kasiyahan.

Isang sibilyan ang na­pagdiskitahang bugbugin ng nasabing parak saka mabilis na umalis sa lugar na parang walang anumang nangyari.