Pati pornograpiya gawang-AI na rin


SAPOL — Jarius Bondoc — Pilipino Star Ngayon

January 13, 2026 | 12:00am

Nag-aalsa ang mga porn stars sa mundo. Nawawalan na raw sila ng kita. Pati kasi pornographic films ngayon ay ginagawa na gamit ang artificial intelligence (AI).

Siyempre hindi robots ang nagtatalik sa  AI porn. Mga mukhang tao pa rin sila. Pero gawa-gawa lang ng computer program ang mga kilos. Kaya sobrang acrobatics at mga halos imposibleng kilos ang nakikita. At wiling-wili pa rin ang online subscribers.

Binabalaan ng porn stars ang producers. Huwag daw gamitin­ ang mga mukha nila sa AI porn. Lalo na kung kopya ang mga imahe sa mga lumang pelikula nila. Kasi, lugi sila kung isipin ng porn fans na sila ang pinapanood, pero AI-generated lang ang mga bagong gumaganap.

Pati ang bawal na child porn ay gawang-AI na rin. Nagpa­palusot ang producers na dahil hindi mga totoong bata ang gumaganap ay hindi na raw ito child porn.

Sagot naman ng mga eksperto ay masama pa rin ang produkto. Kasi ginagawang normal ang pananakit at pambubusabos sa mga bata. Maaring gawin ito sa totoong buhay. Kaya labag pa rin sa batas ng lahat ng bansa.

Makikipagdebate ang mga namimilosopo. Kasalanan pa rin ba sa Kristiyanismo ang panonood ng porn kung hindi naman totoong tao ang gumaganap sa AI porn films?

Walang pakialam diyan ang maliliit na porn producers. Hindi sila gumagamit ng porn stars o AI. Iniimbitahan lang nila ang subscribers na magsumite ng sariling pelikulang malaswa na gawa sa bahay. Pino-post ito sa porn sites para panoorin ng iba. Kung baga, demokrasya na rin pati paglahok sa porn. Tiba-tiba pa ang kita ng porn sites.

Kung mahusay ang gobyerno bubuwisan lahat ito.          

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).