Pawis at luha puhunan ng PLDT para sa PVL Finals


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 14, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Literal na pawis at luha ang naging puhunan ng PLDT para makapasok sa kauna-unahan nilang Premier Volleyball League (PVL) Finals.

Pinatalsik ng PLDT ang 10-time champions Creamline, 27-25, 22-25, 19-25, 25-16, 15-10, sa kanilang knockout semifinals match noong Martes.

Sasagupain ng PLDT ang Chery Tiggo, sinibak ang Cignal HD, 25-17, 16-25, 25-21, 25-23, sa isa pang semis game, sa PVL Finals para sa gold medal sa Linggo sa MOA Arena sa Pasay City.

Pag-aagawan ng Cool Smashers at HD Spikers ang bronze medal.

“This is hard work, sweat and tears,” ani Fil-Canadian Savi Davison na nagpasabog ng 34 points sa pagdispatsa ng High Speed Hitters sa Cool Smashers. “It’s a very light feeling and I love every part of it.”

Bago makasampa sa kanilang unang PVL Finals ay pinatumba ng PLDT, winalis ang Pool A, ang ZUS Coffee sa quarterfinals bago isinunod ang Creamline sa semis.

“Like I said, it’s a great feeling to be a part of, and I know throughout this season that we’ve grown closer together because we shared sacrifices and hard work,” ani Davison.

Noong Hulyo lamang bumalik sa Pilipinas ang 27-anyos na outside hitter matapos ang kanyang three-month vacation sa Toronto kasama ang kanyang pamilya.

Ito ang unang pagkakataon na hindi nakapasok ang Cool Smashers sa PVL Finals matapos ang pitong sunod na kumperensya.

Kung ang unang PVL gold ang target ng PLDT, ang ikalawa naman ang hangad ng Chery Tiggo makaraang magreyna noong 2021 Open Conference.