PBA may pasabog sa Season 50 opening


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 13, 2025 | 12:00am

CEBU, Philippines — Magsasama-sama uli sa court ang mga beterano at alamat na manlalaro ng liga para sa engrandeng pagtitipon bilang bahagi ng makaysasayang PBA Season 50 sa Oktubre 5 sa Smart Araneta Coliseum.

Ayon kay Commissioner Willie Marcial ay imbitado ang lahat ng manlalarong naging bahagi ng PBA sa nakalipas na 50 dekada buhat nang maitayo ito bilang kauna-unahang professional basketball league sa Asya.

Maging ang mga da­ting coaches, managers, officials at staff ng mga koponan ay kasali upang banderahan ang selebras­yon ng PBA ng kanilang golden anniversary.

“Imbitahan natin na makapunta ang lahat ng nakatulong na makara­ting sa 50th season ang PBA. Paki-sabi sa lahat ng mga players at coaches na na-involve sa PBA na pumunta,” ani Marcial sa idinaraos na PBA Annual Board Meeting sa Las Vegas, Nevada.

Bibida sila sa opening ceremony kasama ang mga manlalaro ngayon na paparada naman para sa kanilang mga koponan bago ang mismong laro habang nakatakda ang concert at fireworks sa labas ng Big Dome.

Inaasahang dadalo rito sina MPBL founder Manny Pacquiao na dating playing coach ng KIA (Terrafirma) at MPBL commissioner Kenneth Duremdes na dating 1998 PBA MVP para sa Alaska.

Sa parehong araw ay idaraos ang Leo Awards sa Novotel sa kinahapunan imbes na bago ang opening ceremony sa court mismo.

Subalit hindi doon natatapos ang pagdiriwang ng PBA na magkakaroon din ng iba pang mga kaganapan sa Oktubre 4 para sa 2-araw na selebrasyon.

Gaganapin ang fans day kasama ang PBA superstars sa Green Gate ng Smart-Araneta Coliseum kung saan available din ang official merchandise.

Kinagabihan, magtitipon-tipon ang mga pla­yers, coaches, officials at legends para sa ispesyal na hapunan sa Meralco Theater.