Petro Gazz hahanap ng bagong coach


MANILA, Philippines — Maghahanap ang Petro Gazz ng bagong head coach matapos ang biglaang pagbibitiw ni Japanese mentor Koji Tsuzurabara.

Ginawa ito ng 60-anyos na si Tsuzurabara tatlong buwan makaraang tulu­ngan ang Gazz Angels na makamit ang korona ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference laban sa Creamline Cool Smashers.

“When I won the 2025 PVL All-Filipino, I received so many congratulatory messages. And now that I’m leaving the team, I’m getting even more emails asking ‘Why?’” ang social media post ni Tsuzurabara kasama ang kanilang litrato ni Petro Gazz head of operations Oliver Almadro.

“In the midst of all this, I had a chat with my friend, Coach O… He was very kind to me and was a great understanding friend of mine. I’m so grateful. Thank you, my friend,” pagtatapos nito.

Nakatakdang umuwi si Tsuzurabara sa Japan ngayon araw at hindi na gagabayan ang Gazz Angels sa pagsagupa sa Choco Mucho Flying Titans sa Hulyo 29 sa Candon City Arena.

Nagmula ang Petro Gazz sa 23-25, 21-25, 23-25 kabiguan sa Farm Fresh sa Ilagan City.

May 1-3 record ngayon ang Petro Gazz sa Pool A ng PVL on Tour kung saan hindi naglalaro sina two-time MVP Brooke Van Sickle at MJ Phillips na kasama sa Alas Pilipinas pool.

Iginiya ni Tsuzurabara ang Gazz Angels sa 35-15 record simula nang hawakan ang tropa noong Enero ng 2024.