PhilCycling 2026 national road championships kasado na


Pilipino Star Ngayon

October 14, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Papadyak ang PhilCycling National Championships for Road 2026 sa Pebrero 17 hanggang 20 ng susunod na taon sa Tagaytay City, Cavite at Batangas Province.

Ito ang inihayag kamakailan ng International Cycling Union—ang international cycling federation, sa kanilang website.

Sinabi ni PhilCycling president Abraham “Bambol” Tolentino na itatampok sa 2026 nationals ang bagong Tagaytay CT Velodrome na magiging venue ng 2026 Asian Cycling Confederation (ACC) Track Championships sa Marso 25 hanggang 31.

Ito ang unang pagkakataon sa huling 31 na pamamahalaan ng Pilipinas ang Asian track championships—ang huli ay noong 1995 nang pangasiwaan ng bansa ang Asian Road and Track Championships sa Amoranto Velodrome sa Quezon City at Subic.

Sisimulan ang 2026 nationals ng Criterium races sa Pebrero 16 kasunod ang Individual Time Trial sa Pebrero 17 at ang Road Races sa Pebrero 18 hanggang 20.

Ang mga kategorya ay Elite, Under 23, Juniors at Youth para sa men’s at women’s. Ang Masters category ay isasama sa nationals’ program para madetermina ang kakatawan sa bansa sa Asian Road Championships sa Saudi Arabia.

Ang mga top perfor­mers sa Juniors races ay ipapasok sa national team sa Asian championships bilang incentive.