Pilipino Star Ngayon
February 21, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Higit sa 500 siklista ang papadyak sa PhilCycling National Championships for Road na sisimulan ng Criterium races sa Lunes sa Tagaytay City.
Pipiliin sa karera ang mga bubuo sa national road team ngayong taon na magtatampok sa Men at Women Elite, Under-23, Junior at Youth categories sa Criterium, Individual Time Trial (ITT) at Road races.
Ang cycling championships ay inihahandog ng MVP Sports Foundation at Standard Insurance at inorganisa ng PhilCycling na pinamumunuan ni Tagaytay City Mayor Abraham “Bambol” Tolentino na pangulo rin ng Philippine Olympic Committee.
Papadyak ang 111 riders sa Men Elite habang 133 sa Under-23, 116 sa Junior at pinagsamang 97 sa Youth 1 at 2 sa karerang suportado ng Tagaytay City at Excellent Noodles kasama ang Philippine Sports Commission na sumusuporta sa mga national cycling teams.
Ang mga kalahok sa women’s races ay ipapanalisa sa Linggo ng umaga sa pulong ng mga team managers, coaches at riders sa Sigtuna Hall sa loob ng Tagaytay City Atrium.
Pakakawalan ang Criterium races sa isang 2.1-km circuit sa Isaac Tolentino Avenue at Acle, Mahogany at Crisanto Tolentino habang ang start-finish ay sa Praying Hands monument.
Sa Martes ay dadalhin ang mga labanan sa Nasugbu at Tuy sa Batangas para sa Individual Time Trial races at nakatakda ang Road events sa Martes hanggang Biyernes sa 44-km circuit na ang start-finish area ay sa Barangay Putol sa Tuy at pepedal sa national highway sa Nasugbu, Balayan at Lian.
Ang cycling event ay suportado rin nina Mayors Jose Jecerell Cerrado (Tuy), Emmanuel Salvador Fronda II (Balayan), Antonio Jose Barcelon (Nasugbu) at Joseph Peji (Lian).