February 22, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Magandang balita dahil tinaasan na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang kanilang coverage rate para sa hospitalisasyon ng severe dengue cases ng hanggang 193%.
Napapanahon ang naturang anunsiyo ng PhilHealth dahil na rin sa mga ulat ng Department of Health (DOH) na tumaaas ang dengue cases sa bansa.
Ayon sa PhilHealth, may nakalaan naman silang benefit package para sa dengue at tinaasan pa nila ito.
Nabatid na mula sa dating P16,000 coverage rate, ang halaga ng hospitalisasyon para sa malala o severe dengue ay covered na hanggang P47,000.
Samantala, ang coverage naman para sa mild dengue cases ay nasa P19,500 na ngayon mula sa dating P10,000 lamang.
Nabatid na ang bagong package rates ay kabilang sa mga package ng PhilHealth na pinahusay at ni-rationalized nila noong nakaraang taon, alinsunod na rin sa direktiba ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na patuloy na pagandahin at bigyan ng mas maayos na health insurance coverage ang mga miyembro ng PhilHealth.
