February 6, 2026 | 12:00am
Kada taon dalawang beses sinusuba ng Bongbong Marcos admin ang PhilHealth natin. Dapat sila tuligsain, para magbago.
Unang panunuba ay sa taunang pambansang budget. Hindi binibigay ang buong halagang takda sa Sin Tax Law at Universal Health Care Act. Kapos ang pangsustento sa 24.5 milyong indirect contributors – maralita at retirees – at 16.7 milyong dependents nila.
Ikalawang panunuba ay pagkatapos ipasa ng Kongreso ang pambansang budget. Hindi nire-release ng DBM nang buo ang halagang takda sa General Appropriations Act.
Dahil dito, ginagasta ng PhilHealth ang kontribusyon ng paying members para sa benepisyo ng non-paying members. Sa huli, kapos ang natatanggap na health care ng lahat. Luging-lugi ang 37 milyong naghuhulog at 28 milyong dependents nila.
Binunyag ito ni Dr. Antonio Dans, convenor ng Health Professional Alliance:
- Nu’ng 2023, P136.8 bilyon ang kailangan ng non-paying members. Pero ang GAA ay P100.2 bilyon lang, pinagsamang P79.2 bilyon mula sa sin taxes at P21 bilyon mula sa Pagcor/PCSO. Tapos, P50.7 bilyon lang ang ibinigay ng DBM. May deficit na P86.1 bilyon.
- Nu’ng 2024, P129 bilyon ang kailangan ng non-paying members. Muli, P61.5 bilyon lang ang nasa GAA, total ng P40.28 bilyon na sin taxes at P21.22 bilyon mula Pagcor/PCSO. Tapos, P9.5 bilyon lang ang nilabas ng DBM. Lumobo ang deficit sa P119.5 bilyon.
- Nu’ng 2025, P151 bilyon ang kailangan. Nagpanukala ang Malacañang ng P74 bilyon. Nilipat ng Kongreso ang buong halaga sa flood controls para makahuthot ng kickbacks. Bokya ang PhilHealth. Pumayag si BBM. Nagbigay ang DBM ng pampalubag-lubog na P30 milyon, 0.02 percent ng pangangailangan. Lampas-langit na ang deficit na P356.56 bilyon.