Philippines hakot ng 11 golds sa Indonesia


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 20, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nasungkit ng Team Philippines ang ikatlong puwesto sa overall medal tally matapos humakot ng 11 gintong medalya sa 17th Southeast Asian U18 and U20 Athletics Championships na ginanap sa Madya Athletics Stadium sa North Sumatera, Indonesia.

Sa huling araw ng kumpetisyon, nakahirit pa ng gintong medalya ang Pinoy squad matapos magsanib-puwersa sina Alfred Talplacido, Jeralyn Rodriguez, Jecel Vivas at Kharis Pantonial sa pagkopo ng ginto sa U20 4x100m mixed relay.

Nagrehistro ang Pinoy tracksters ng 44.94 segundo para manguna sa naturang event.

Sina Vivas, Rodriguez, Talplacido at Pantonial din ang namayagpag sa 4x400m mixed relay tangan ang 3:31.61.

Isa si Vivas sa most bemedalled athlete ng tropa matapos makahirit ng ginto sa U20 Women’s 100m Hurdles sa bilis na 14.40 segundo habang nakasiguro naman ito ng pilak sa U20 200M hurdles (24.98).

Nakatatlong ginto rin si Rodriguez na nanguna naman sa U20 women’s 400m (56.31).

Nanguna ang Indonesia na may 14 ginto, 15 pilak at 16 tanso habang pumangalawa ang Vietnam na may 13 ginto, 12 pilak at anim na tanso.