BABAHA ng pitsa sa kaso ng 34 missing sabungeros. Habang pautay-utay ang paglalabas ng ebidensiya ni alyas “Totoy” sa kaso, mukhang may nasasaktan na. Mismooo! Parang nag-aabang si Totoy na aayusin siya ng mastermind at ng “celebrity” partner nito, na itinuturo niyang may partisipasyon din sa kaso. Araguyyyyy!
Kung sabagay, matagal ding nanahimik si Totoy matapos makapagpiyansa sila sa kaso matapos mahuli sa Calabarzon, kasama ang lima pang akusado. Ganun na ‘nga! Sa tingin ng mga kosa ko, nagkulang ng ayuda ang mastermind kay Totoy, kaya nag-iingay ito para mapansin.
At nagtagumpay naman si Totoy dahil abala sa ngayon si Justice Sec. Boying Remulla na asikasuhin ang mga ibinubunyag niya. Para matapos na ang isyu, tiyak maglalabas ng milyones ang mastermind para matapalan si Totoy at matigil na ang kahibangan nito. Ano sa tingin n’yo mga kosa? Ambot sa kanding nga may bangs!
Maraming video footage na hawak si Totoy at sinabi ng mga kosa ko na mabigat na ebidensiya ito laban sa sinasabing mastermind at “celebrity” partner niya. Eh di wow! Wala namang laban ang inaakusahan ni Totoy dahil sa media pa lang ang kaso. At kung susumahing maigi, olats ang mastermind at “celebrity” partner niya dahil hindi sila makasabay sa pagbubulgar ni Totoy. Sanamagan!
Kayo mga kosa, may napansin na ba kayo na sagot o nag-deny sina mastermind at “celebrity” partner niya? Eh di wala. Tumpak! Kung tutuusin medyo mahirap sagutin ang patutsada ni Totoy dahil video na ito at makikita ang kalalakihan habang ina-abduct nila ang mga biktima. Paano mo kontrahin ‘yan? Dipugaaa! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Mahigit isang linggo na ang media mileage ni Totoy at parang punching bag lang sina mastermind at “celebrity” partner. Tikom pa ang mga bibig nila. Subalit hindi na magtatagal ‘yan. May emisaryo kasi na nag-iikot sa media circle na nagsasabing maglalabas ng statement ang kampo ng dalawa at may budget pa. Wow na wow!
Ayon sa emisaryo, ang budget sa television ay tumataginting na P20,000 per labas samantalang P10,000 naman ang sa radyo Tsk tsk tsk! Teka, teka, bakit walang para sa diyaryo? Baka secret pa! Mismooo! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Kung sabagay, hindi lang DOJ ang nag-iimbestiga sa kaso ng missing sabungeros. Nandiyan din ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police. Salingpusa pa ang National Police Commission at Commission on Human Rights. Mukhang mahirap tibagin ang nagsama-samang ahensiya ng gobyerno.
Pero kung totoo ang sinabi ni Totoy na ang mga biktima ay tinali bago itapon sa Taal Lake, malaking gastusin ito para hanapin ang bangkay nila, dahil tiyak mga kalansay na ang mga ito. ‘Ika nga, kinain na ng mga isda ang laman nila.
Matagal ang labanan na ito. At milyones ang gagastusin para mabura ang kaso. Pitsa-pitsa na lang talaga ang labanan. Kung sino ang may maraming pitsa, siya ang mananalo sa sarsuela na ito. Parang sugal na e-sabong lang! Abangan!