PLDT bumubuo ng PVL dynasty


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 2, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Tila unti-unti nang bumubuo ng dynasty ang PLDT sa Premier Volleyball League (PVL).

Ito ay matapos pagreynahan ng High Speed Hitters ang magkasunod na 2025 PVL on Tour laban sa Chery Tiggo Crossovers at Invitational Conference kontra sa guest team Kobe Shinwa University.

Nauna nang inangkin ng Creamline ang back-to-back crown matapos manalo sa 2024 Reinfor­ced at Invitational Confe­rence patungo sa kanilang makasaysayang PVL Grand Slam.

“Moving forward kaila­ngan talaga naming i-face iyong conference na parang kami ay nagugutom pa rin (sa title),” ani coach Rald Ricafort.

Pupuntiryahin ng PLDT ang kanilang ‘three-peat’ sa parating na PVL Reinforced Conference sa Oktubre.

Tinapos ng tropa ni Ricafort ang nasabing dalawang komperensya sa pagsakay sa isang 13-game winning streak.

“Tulad ng mga lessons namin from the players na lumipat na nu’ng bini-build namin iyong team, so wala talaga siyang assu­rance kung gaano katagal din kami magsasama-sama. Pero iyon nga, ang binabanggit ko lang sa kanila, kung sino iyong nandiyan susulitin talaga namin,” dagdag ng three-time PVL champion coach.

Unang iginiya ni Ricafort sa PVL title ang Petro Gazz noong 2022 Reinforced Conference.

Target din ni Fil-Cana­dian Savi Davison ang ikatlong sunod na gold medal ng High Speed Hitters katuwang sina PVL on Tour Finals MVP Mika Reyes, Kim Kianna Dy, Majoy Baron, rookie Alleiah Malaluan at setter Kim Fajardo.

“There’s going to be a lot more sacrifices. A lot more days that we don’t want to show up, but we do. A lot more blood, sweat, and tears,” wika ng Invitationals MVP na si Davison.

Bukod kay Davison, ang iba pang nakakuha ng individual award ay sina Kath Arado (Best Libero) ng PLDT, Jema Galanza ng Creamline at Nagisa Ko­mat­suda ng KSU (Best Outside Hitters), Ara Galang (Best Opposite Spiker) ng Chery Tiggo, Pangs Panaga ng Creamline at ZUS Coffee rookie Riza Nogales (Best Middle Blockers) at Sakura Furuta ng KSU (Best Setter).