Pondo ng PhilHealth | Pilipino Star Ngayon


BANAT NI BATUIGAS — Bening Batuigas — Pilipino Star Ngayon

December 13, 2025 | 12:00am

SABI ng Supreme Court (SC), illegal ang paglipat ng P60 bilyong excess fund ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa National Treasury noong 2024.

Ang paglilipat ng sobrang pondo ng PhilHealth at iba pang government-owned or -controlled corporations (GOCCs) ay batay sa Special Provision 1(d) ng Chapter XLIII ng 2024 General Appropriations Bill o budget law.

Sa ilalim ng naturang probisyon, pinapayagan ang Department of Finance (DOF) na ipalipat ang sobrang pondo ng GOCC sa National Treasury upang magamit para sa mga proyekto ng gobyerno.

Gamit ang probisyong nakalagay ng GAA, naglabas ang noon ay kalihim ng DOF na si Executive Secretary Ralph Recto ng Circular No. 003-2024 hinggil sa cash sweep ng sobrang pondo ng PhilHealth.

Bagama’t sinabi ng SC na labag sa Konstitusyon ang Special Provision 1(d), apat na mahistrado ng SC ang nanin­digan na hindi kriminal na mananagot si Recto dahil ang kanyang ginawa ay alinsunod sa utos ng Kongreso sa inaprubahang GAA.

Ginawa ni Recto ang hakbang matapos makakuha ng clearance mula sa Office of the Solicitor General (OSG), Office of the Government Corporate Counsel (OGCC), Governance Commission for GOCCs (GCG), Commission on Audit (COA) at maging ang PhilHealth Board mismo.

Ang P60 bilyong pondo na inilipat mula sa PhilHealth patungong National Treasury ay hindi rin umano ginamit sa flood mitigation projects, kundi ginamit para sa mga sumusunod:

P27.5 bilyon para sa public health emergency benefits and allowances para sa healthcare workers (HCWs) at non-HCWs noong COVID-19 lockdown; P10 bilyon para sa medical assistance to indigent and financially incapacitated patients (MAIFIP);

P4.1 bilyon para sa pagbili ng iba’t ibang medical equipment para sa mga ospital ng Department of Health (DOH) at ng local government units (LGUs); P3.4 bilyon para sa pagpapatayo ng tatlong health facilities ng DOH; at P1.7 bilyon para sa health facilities enhancement program (HFEP) ng DOH.

Sa kabuuan, P46.7 bilyon ang napunta sa gastusing pangkalusugan, at P13 bilyon ang napunta sa government counterpart financing para sa foreign-assisted infrastructure at social development projects.

Sa pamamagitan ng paglilipat ng P60 bilyong nakatinggang pondo ng PhilHealth noong 2024, naiwasan ng national government ang muling pangungutang na sana’y magdadagdag sa public debt stock ng P60 bilyon, pati na ang interes na tinatayang P3.8 bilyon kada taon, batay sa average interest rate na 6.3 percent noong 2024.

Bukod sa pag-iwas sa dagdag na utang, napigilan din ang paggamit ng P60 bilyong sobrang pondo ng PhilHealth ang national government na magpataw ng bagong buwis—lalo na sa mga Pilipinong hirap na sa pang-araw-araw—para lamang pondohan ang mga prayoridad na programa at proyekto.

Ang P60 bilyong pondo ng PhilHealth na isinoli sa Treasury ay hindi galing sa kontribusyon ng miyembro; ito ay mula sa subsidies, kabilang ang mga “sin” taxes o buwis mula sa mga tobacco products at alak.

Sinabi ni Associate Justice Raul Villanueva sa kanyang opinyon sa desisyon ng SC noong Disyembre 5 na ang pananagutin si Recto sa pag-isyu ng DOF Circular 003-2024 ay maituturing na pagpaparusa sa kanya dahil sa pagganap sa kanyang tungkulin.

Bunga nito, naranasan ng PhilHealth members ang pinakamalaking pagpapalawak ng benefit packages sa kasaysayan ng Universal Health Care (UHC) program. Kabilang sa mga pinalawak na benepisyo sa kalusugan ang:

Para sa breast cancer patients: mula P100,000 tungo sa P1.4 milyon, o 1,300% pagtaas para masaklaw ang lahat ng yugto ng sakit; · Para sa dialysis patients: libre ang sessions at medications para sa buong taon;  Para sa Peritoneal Dialysis (PD) patients: mula P270,000, tumaas ng hanggang 370 percent tungo sa P1.269 milyon;

Institutionalized 156 hemodialysis sessions isang taon sa P6,350 kada session mula P4,000, o 58.75 percent pagtaas na katumbas ng halos P1 milyon suporta kada pasyente bawat taon; Open heart surgeries: ventricular septal defect tumaas tungo sa P614,000 (mula P250,000); total correction of tetralogy of fallot (P614).