February 12, 2026 | 12:00am
(Last part)
PAGKATAPOS ng paglilitis, naglabas ng desisyon ang korte. Ibinasura ang petisyon ni Bernie. Umapela si Bernie sa Court of Appeals at nabaliktad ang desisyon.
Napatunayan na may psychological incapacity si Fely at walang kakayahan na gampanan ang tungkulin bilang isang maybahay. Tama ba ang CA?
TAMA. Ayon sa Supreme Court, matagumpay na napatunayan ni Bernie na may psychological incapacity ang misis niya.
Bukod sa mga testigo na iniharap ni Bernie ay napatunayan din sa kabuuan ng ebidensiya na inihain na walang pakialam si Fely sa kanyang pamilya at hindi niya kayang tugunan ang emosyonal na pangangailangan ng ibang tao.
Patunay dito na mas pinili niya na manirahan sa ibang bansa na walang kasama. Matindi pa dito ay hindi man lang siya nag-abalang tumulong sa pinansiyal na pangangailangan ng pamilya para buhayin ang mga anak nila ni Bernie.
Kaya tama ang CA nang tukuyin nito ang bigat, kawalan ng lunas at ugat ng psychological incapacity ni Fely. Kahit sabihin pa na hindi personal na nasuri ng psychologist si Fely ay hindi naman ibig sabihin nito na walang bisa na ang kanyang ulat lalo at ibang tao naman ang kanyang sinuri.
Hindi rin ito basta maituturing na “hearsay” o tsismis dahil lang mula sa ibang tao ang impormasyon.
Hindi naman nakalagay sa batas na kailangan na ang mismong tao na may psychological incapacity ang dapat nasuri ng doktor. Ang importante ay mapatunayan ang psychological incapacity na taglay niya.
Sa kasong ito, ang ulat ng doktor ay base sa impormasyon na nagmula kay Bernie, sa nanay nito at sa mga dating katrabaho ni Fely na nagkaroon ng pagkakataon na makasalamuha ang babae at makita ang pag-uugali/pagkilos niya na siyang ipinarating sa doktor.
Ang kabuuan ng ebidensiyang inihain ni Bernie ay sapat para patunayan ang psychological incapacity ni Fely. Kung tutuusin ay hindi na nga kailangan na isalang pa si Dr. Pena bilang “expert witness” sa kaso.
Kaya kahit sabihin pa na layunin ng gobyerno na protektahan ang kasagraduhan ng kasal bilang pangunahing pundasyon ng lipunan ay hindi pa rin naman ito hadlang para ipawalang bisa ang isang kasal o unyon na hindi naman kayang isulong ang paglago ng isang pamilya tulad na lang sa kasong ito (Republic vs. Yaban and Padua, G.R. 219709, November 17, 2021).