MANILA, Philippines — Ang No. 7 Akari ang sasagupa sa No. 10 Galeries Tower sa best-of-three quarterfinals series ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Ito ay matapos takasan ng Chargers ang No. 6 Farm Fresh Foxies, 25-11, 23-25, 18-25, 25-21, 15-9, sa qualifying round kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pumalo si Ivy Lacsina ng 22 points mula sa 21 attacks at isang block sa pagtimon sa Akari sa quarterfinals katapat ang Galeries Tower.
“Siyempre, iyong pinagtrabahuhan po namin the past few days, iyong sakripisyo po talaga,” wika ni Lacsina. “Kasi parang hindi naging madali before this game kasi sobrang grabe po talaga iyong naging training namin.”
Nag-ambag si Eli Soyud ng 14 markers at humataw sina Grethcel Soltones at Camille Victoria ng 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
“Sabi naman ni coach Taka (Minowa) mag-ready lang daw ako. Kanina inoobserbahan ko sila tapos iyong sa kalaban para pagpasok ko alam ko na iyong gagawin ko,” ani Soltones na halos dalawang buwan hindi naglaro dahil sa injury.
Sa kabila ng game-high 23 points ni Trisha Tubu ay nalaglag pa rin ang Farm Fresh sa play-in tournament kung saan pag-aagawan ang huling dalawang quarterfinal spot.
Bumangon ang Foxies mula sa 11-25 kabiguan sa first set para angkinin ang 2-1 abante sa laban sa likod nina Tubu at Rizza Cruz.
Sa pangunguna nina Lacsina, Soyud at Soltones ay nakatabla ang Chargers sa fourth frame bago iposte ang 12-7 bentahe sa fifth set.
Sinelyuhan ni Soltones ang panalo ng Akari matapos butatain ang palo ni Tubo sa opensa ng Farm Fresh.
