MANILA, Philippines — Target nina Filipino tennis star Alex Eala at Mexican partner Renata Zarazua na maipagpatuloy ang matikas na ratsada nito kung saan pakay ng dalawa na masikwat ang silya sa quarterfinals ng French Open doubles na ginaganap sa Paris, France.
Sasagupain nina Eala at Zarazua sina Olga Danilovic ng Serbia at Anastasia Potapova ng Russia kung saan hangad ng dalawa na makahirit ng tiket sa Last 8.
Mainit na sinimulan nina Eala at Zarazua ang kampanya nito matapos kubrahin ang 7-5 6-4 panalo laban kina Emily Appleton ng Great Britain at Yvonne Cavalle-Reimers ng Spain sa first round noong Martes.
Sa kabilang banda, nakapasok naman sa second round sina Danilovic at Potapova nang patalsikin sina American 7th seeds Caroline Dolehide at Desirae Krawczyk, 1-6, 6-4, 7-5.
Nagpasalamat si Eala sa lahat ng Pilipino na sumusuporta sa kanilang bawat laban partikular na ang mga Filipino community sa Europa na nagtutungo pa sa venues para manood.
“Filipinos are very talented and very hard workers. There’s a support, a community, because it’s not often you (have) seen Filipino athletes excel on the international stage, so every time someone does good we’re very happy for them,” ani Eala.
Umaasa si Eala na patuloy itong makakatanggap ng suporta mula sa kanyang mga tagahanga hanggang sa dulo ng kanyang laban.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapagtala ng panalo ang isang Pilipino tennis player sa isang Grand Slam event.
