MANILA, Philippines — Tutulak sa Amerika si Kevin Quiambao upang sumalang sa matinding training camp na posibleng magdala sa kanya sa inaasam na NBA dream.
Kinumpirma mismo ni Quiambao na nakatakda itong magtungo sa Sacramento, California sa susunod na linggo para subukan ang kanyang kapalaran doon.
Ayon sa dating De La Salle University standout at two-time UAAP MVP, magsasanay muna ito sa Amerika para paghandaan ang posibleng pagsabak nito sa NBA Summer Camp.
“I’m flying out next week for USA, training muna ako,” ani Quiambao na sariwa pa sa kampanya sa katatapos na season ng Korean Basketball League.
Naglaro si Quiambao para sa Goyang sa KBL.
Matapos ang KBL season, bumalik sa bansa si Quiambao ngunit hindi ito nagpahinga.
Agad itong sumabak sa ensayo para masiguro nasa perpektong kundisyon ito bago pumunta sa Amerika.
“I’m preparing as hard as I can,” ani Quiambao.
Idaraos ang NBA Summer Camp sa Hulyo 10 hanggang 20 kung saan kailangan ng mga kalahok na magpa-impress sa mga coaches at team owners na siyang pipili para makapasok sa NBA.
Magandang oportunidad ito para kay Quiambao na ipakita ang kanyang husay.
Wala namang pressure sa panig nito lalo pa’t malaki ang maitutulong nito sa kanyang career.
Maganda ang numero ni Quiambao sa KBL.
May averages itong 16.9 points, 6.3 rebounds, 3.9 assists at 1.3 steals.
Sakaling hindi ito makuha sa Amerika, babalik ito sa South Korea para ipagpatuloy ang kanyang karera sa KBL.
