Reporma o rebranding? Ang tahimik na ambisyon ni Vince Dizon


ORA MISMO — Butch M. Quejada — Pilipino Star Ngayon

October 22, 2025 | 12:00am

PARANG pelikula lang, dati kang bida sa kampo ni Tatay Digong, ngayon, ikaw na ang pinagbibintangang “balimbing.”

Ganyan ang eksenang bumabalot kay DPWH Secretary Vince Dizon.

Mula sa pagiging golden boy ng Build, Build, Build, biglang napapansin nang marami na parang may sariling Build, Build, Brand na siyang pinupundar.

Hindi mo rin masisisi ang mga tao kung maging duda. Habang si Dizon ay todo-ikot sa mga proyekto at pagpapapogi sa media, marami ang nagtatanong reporma ba ‘yan o rehearsal para sa 2028? 

Kasi kung totoo ang bulung-bulungan na may “Grace Poe-Vince Dizon” tandem na pinaplantsa sa Malacañang, aba, hindi ito basta simpleng pagpapakita ng sipag may hali­muyak ng ambisyon.

At kung si Lorraine Badoy pa ang tatanungin, diretso niyang sinabing “balimbing.” Matindi, oo,  pero totoo rin namang sa larong pulitika, walang permanenteng kaalyado, puro tem­poraryong convenience. 

Kaya kung sa tingin ni Dizon ay panahon na para mag-re­brand, dapat handa rin siyang harapin ang mga tanong na mabigat kaysa sa mga kalsadang pinapatag niya.

Sa dulo, simple lang ang tanong: reporma ba talaga ang habol ni Dizon, o reporma lang sa sarili niyang imahe?

Sa pulitika, madalas hindi mo na kailangan ng kalaban para madumihan  sapat na ang sariling ambisyon para malunod ka sa sariling putik.

Disklaymer: Ang opinyong ito ay personal na pananaw ng manunulat. Hindi ito kumakatawan sa posisyon ng anumang organisasyon, institusyon, o plataporma ng publikasyon