October 21, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Itutuon muna ng Meralco ang atensyon sa paglarga ng kanilang kampanya sa 2025-2025 East Asia Super League (EASL) matapos ang sunud-sunod na laro sa kakaarangkada lang din na PBA Season 50 Philippine Cup.
Ang Bolts kaagad ang pinakamaraming laro sa PBA sa limang salang na naiskoran nila ng 3-2 upang makapaghanda para sa EASL kung saan misyon nilang maiuwi ang unang titulo ng bansa matapos kapusing makasampa sa Final Four noong nakaraang season.
Semplang sa dalawang salang ang Meralco bago magbuhol ng tatlong dikit na tagumpay, pinakabago ang 78-76 panalo kontra sa dating walang galos na Magnolia Hotshots sa gabay ng bagong head coach na si LA Tenorio.
At bagama’t wala pang pahinga, lumipad agad pa-Japan ang Meralco para sa EASL debut nila kontra sa home team na Ryukyu Golden Kings bukas sa Okinawa Suntory Arena.
Malaki ang inaasahan sa mga manok ni coach Luigi Trillo tampok ang mga bagong pambato na sina Rondae Hollis-Jefferson ng TNT Tropang 5G at Justin Brownlee ng Barangay Ginebra.
Ito ang unang pagtatambal ng dalawang magkaribal na Best Imports din sa iisang koponan matapos ang pambihirang mga finals duels sa PBA.
Nagtuos din dati sa Asian Games finals sina Hollis-Jefferson at Brownlee na naturalized players ng Jordan at Gilas Pilipinas, ayon sa pagkakasunod.
Ngayon ay magpapares sila sa isang koponan na hindi nila mother team matapos ipahiram sa Meralco para sa misyong makorohanan na sa wakas ang PBA sa home-and-away format tampok ang mga champion teams ng Japan, Korea, Taiwan Macau, Hong Kong at Mongolia sa unang pagkakataon.
Kukumpleto sa reinforcements ng Meralco si Ismael Romero ng miyembro din ng Puerto Rico national team para sa pambatong koponang handaang banggain ang lahat ng karibal sa Group B.
Bukod sa Ryukyu ay makakatapat din ng Bolts ang Macau Black Bears at Taoyuan Pilots na tinalo ang Ryukyu sa EASL opener noong Oktubre 8 sa homecourt nila sa Taipei Heping Basketball Gym sa Taiwan.
Babandera sa local crew sina Chris Newsome, Cliff Hodge, Chris Banchero, Aaron Black at Brandon Bates.
