December 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng Pasko ang dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo makaraang mamatay nang makabanggaan nila ang isang dump truck, sa Antipolo City, Rizal Linggo ng madaling araw.
Sa ulat ng Antipolo Component City Police Station, dead-on-the-spot ang mga biktimang sina Jerich Alteza Olino, ng Nangka St., Sampaloc, Tanay, Rizal, at isang alyas “Maria”, ng Sitio Mabilog na Gulod, Brgy. San Luis, Antipolo City, kapwa sakay ng Yamaha Aerox motorcycle.
Tumakas naman ang driver ng Isuzu Dump Truck na may plate number CBP 4106, na pinaghahanap ng mga pulis.
Sa imbestigasyon, dakong alas-1:00 ng madaling araw ng Disyembre 14, habang sakay ang mga biktima ng motorsiklo at bumabagtas sa Marcos Highway sa Brgy. Mayamot, patungo sa Cogeo Gate 1, habang ang dump truck ay pansamantalang nakahimpil sa gilid ng kalsada at nang umarangkada sa kasalubong na lane patungo sa Antipolo-Masinag intersection ay magkasalubong na nagkabanggaan ang dalawang sasakyan.
Kapwa idineklarang patay ng rumespondeng ambulance rescue team ng Brgy. Mambugan ancvg dalawa habang hindi na inabutan ng mga naunang rumesponde sa insidente ang driver ng dump truck makaraang sumibat.