MANILA, Philippines — Naging viral sa social media ang panibagong insidente ng road rage o ang pagsusuntukan ng isang rider at isang e-trike driver, sa Antipolo, Rizal, nitong Huwebes.
Sa video, nakahambalang ang motorsiklo at e-trike sa Sumulong Highway, habang nagsusuntukan ang dalawang lalaki na nagdulot ng mabigat na daloy ng sasakyan. Nakuhanan din ang mismong paghatak ng rider sa e-trike driver mula sa sasakyan at itinulak sa retaining wall kung saan nagsuntukan.
Napigilan naman ang paglala ng suntukan nang isa pang rider ang umawat sa kanila sa Sumulong Highway sa Antipolo, Rizal nitong Huwebes.
Sinabi ng isang saksi na tumama ang e-trike sa motorsiklo na naging dahilan ng iringan ng kapwa driver.
Kinumpirma naman ni Antipolo Police Station commander, Lt. Colonel Ryan Manongdo na nagkasundo na ang dalawang sangkot sa insidente at hindi na itinuloy ang kanilang mga reklamo.
Matatandaang noong nakalipas na linggo nang maganap ang road rage sa Barangay Boso-boso kung saan apat ang nasugatan sa pamamaril ng SUV driver sa mag-amang rider. Namatay sa pagamutan ang isa sa apat na nagtamo ng bala sa ulo.