Road Warriors walang balak mag-relaks vs Batang Pier


MANILA, Philippines — Bagama’t pasok na sa quarterfinals at bitbit ang ‘twice-to-beat’ incentive ay hindi pa rin magrerelaks ang NLEX sa pagsagupa sa sibak nang NorthPort.

“Kailangan sharp minds, sharp physically. Kasi minsan pag maaga pagpasok mo, medyo you lose a little bit of focus,” ani coach Jong Uichico. “So reminders lang every day, to keep your focus and bear in mind what the real goal is.”

Lalabanan ng Road Warriors ang Batang Pier ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang lasingan ng San Miguel Beermen at Converge FiberXers sa alas-7:30 ng gabi sa PBA Season 49 Philippine Cup sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Solo ng NLEX ang liderato sa kanilang 8-2 record kasunod ang San Miguel (7-2), Magnolia (7-3), Barangay Ginebra (7-3), TNT Tropang 5G (6-4), Converge (6-4), Rain or Shine (6-4), nagdedepensang Meralco (6-5) at mga talsik nang Phoenix (3-7), Blackwater (2-8), NorthPort (1-8) at Terrafirma (1-10).

Nasa isang two-game winning run ang Road Warriors habang bagsak ang Batang Pier sa walong dikit na kabiguan matapos manalo sa una nilang laro.

Ang panalo ng NLEX sa NorthPort ang mag-uupo sa kanila sa No. 1 spot sa quarterfinals katapat ang magtatapos sa No. 8.

“We will approach it like a game we should win, for another improvement in our game,” ani Uichico. “We will still approach it like a bea­ring game, in terms of us continuing to improve pa.”

Ang No. 1 o No. 2 seat naman ang puntirya ng San Miguel sa pagsagupa sa Converge na nagha­hangad na makasama sa Top Four para sa ‘twice-to-beat’ bonus.