Ruiz: Meta mabagal sa paglaban vs fake news


MANILA, Philippines — Ipinaabot ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz sa Kamara ang naobserbahan nito na ang mabagal na pag-aksyon ng Meta na alisin ang false content nito na naka-post sa kanilang social media sites.

Isang halimbawa rito, ani Ruiz, ay ang insidente kung saan ang dapat sanang memo na nagmula umano sa Office of the Executive Secretary ay kumalat online.

Sinabi ng PCO chief na tumanggi ang Meta na alisin ang content sa kabila ng certification mula sa Department of Information and Communication Technology (DICT) Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na ito ay isang fake memo.

“Alam mo sir, hindi nila tinanggal. Ang reason ng mga platforms is that ito is freedom of expression, may community standards kami, ang bawat isang user, siya ang accountable to his or her account,” sabi ni Ruiz sa hearing kamakalawa ng House tri-committee na nag-iimbestiga sa fake news at online disinformation.

“So ano ito? Are we at the mercy of the platforms? Sabi namin hindi kayo dito naka-base, hindi pa kayo nagbabayad ng buwis, and yet you don’t regulate or stop fake news here in the Philippines,” dagdag ng PCO chief.

Iginiit pa ni Ruiz na ang pagpapakalat ng maling kuwento ang nagpapahina sa tiwala ng publiko at puwedeng magpasama sa hangarin ng gobyernong tugunan ang pangangailangan ng sambayanan.

Sinabi ni Ruiz na ang mga platforms na kagaya ng Meta ay dapat maging responsable at aktibo sa pagsugpo sa fake content na nagliligaw sa publiko.