MANILA, Philippines — Lalabanan ng Meralco ang Ulaanbaatar Xac sa knockout quarterfinals ng 2025 Basketball Champions League Asia sa Coca-Cola Arena sa Dubai.
Magtutuos ang Bolts at Broncos sa second game ng isang quadruple header ngayong gabi.
Umiskor ang Meralco ng 97-86 panalo sa B.League champions Utsunomiya Brex matapos ang 87-101 kabiguan sa Shabab Al Ahli para sa 1-1 record sa Group B.
May 1-1 marka rin ang Ulaanbaatar sa Group A mula sa 84-67 demolisyon sa Zhejiang Lions bago natalo sa Tabiat, 76-78, sa ikalawa nilang laro.
Muling aasa si coach Luigi Trillo kina imports Glynn Watson, Jordon Varnado at John Egbunu katuwang sina Chris Newsome, Chris Banchero at Bong Quinto
Sa isa pang quarterfinals match, magtutuos ang Tabiat at Utsunomiya Brex, habang haharapin ng Shabab Al Ahli ang Taoyuan Pauian Pilots at sasagupain ng defending champion Al Riyadi ang Zhejiang Lions.
Ang magiging tournament champion ang kakatawan sa Asian region sa 2025 FIBA Intercontinental Cup sa Singapore.
