September 16, 2025 | 12:00am
HALOS dalawang linggo pa lang si Senate President Vicente “Tito” Sotto lll sa puwesto subalit inulan na siya ng intriga at fake news. Siyempre may kumakampi naman kay Sotto. Kung sabagay, ganyan naman ang kalakaran sa pulitika sa Pinas sa lahat ng isyu ay may komokontra at may kumakampi. Watak-watak na talaga tayo. Pilit namang binabalanse ni Sotto ang liderato niya dahil ayon kay Senate Majority Leader Sen. Ping Lacson, na chairman din ng Blue Ribbon Committee manipis lang ang pagkapanalo niya bilang Senate president. ‘Ika nga, puwede siyang ma-kudeta. Pero malakas naman ang paniniwala ni Sotto na stable ang kanyang liderato sa ngayon, di ba Sen. Risa Hontiveros Mam? Pero hindi dapat magpabaya si Sotto dahil maraming fake news ang kumakalat sa social media at baka mabulaga na lang siya.
Dapat ding harapin ni Sotto ang isyu na pinipilit ni Sen. Rodante Marcoleta ang pagpasok sa Witness Protection Program ng mag-asawang Curlee at Sara Discaya, na tinutulan ng una. Ayon kay Sotto pipirmahan lang niya ang aplikasyon ng Discaya couple sa WPP kapag ibinalik na nila ang ninakaw na pitsa sa ghost flood control projects. Ito ang opinion ni DOJ Sec. Boying Remulla, ani Sotto. Hindi naman nagtapos sa usapin nina Sotto at Marcoleta sa Discaya couple. Pinagtalunan din nila ang pag-custody ni ex-DPWH engineer Brice Hernandez, na nakulong dahil sa contempt of court ng Senado. Noong una, si Hernandez ay nakulong sa custodial center ng PNP at pagkatapos ay inilipat sa Pasay City jail. Kahapon naman si Hernandez ay ibinalik sa custody ng Senado. Ang gulo n’yo? T’yak hindi pa tapos itong sarsuwela nina Sotto at Marcoleta sa isyu ng Discaya couple at Hernandez. Ano sa tingin n’yo mga kosa? Ang sakit sa bangs nito!
Nitong weekend naman, kumalat sa social media na si Senate Minority Leader Sen. Allan Peter Cayetano ay may sapat na boto para palitan si Sotto. Tinawag ito nina Sotto at Lacson na fake news na ang primary goal ay guluhin at lituhin lang ang madlang people. Dininunsiyo ito ni Sotto at sinabing “devious” ito. Lumabas ang fake news sa pahina ng “OneTV Philippines” ay kinuwestiyon ni Sotto kung ano ba talaga ang motibo nito? Sinabi naman ni Sen. Imee Marcos walang namumuong usapan para sa pagpalit ng liderato sa Senado. Ang isyu ay hindi naging topic sa Senado at ang mga senador ay naka-focus sa ngayon “on staying alive.” Umpisa na ang psywar? At tiyak may karugtong pa ito.
Sa tingin naman ng mga kosa ko, itong kaguluhan sa Senado ay nag-ugat sa deklarasyon nina Sotto at Lacson ng mga nakaraang buwan na iimbestigahan nila ang P124.7-million insertion ng mga Senador sa 2025 budget. Puwede, di ba mga kosa? Kung sabagay, next to impossible na walang partisipasyon ng senador dito sa insertion sa budget, na tinawag na pinaka-corrupt sa history ng Pinas. Dapat buksan ni Sotto ang Senate records para mabulgar ang senador na nakinabang sa ghost flood control at maipakulong ito. Kapag hindi niya ginawa ito, baka itong pagluklok sa kanya bilang Senate president ay pagdududahan na pinuprotektahan lang niya ang mga tiwaling senador? Puro problema pala itong pinasok ni Sotto! Abangan!