September 6, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Naghihinala si House Infrastructure Committee (Infra Comm) Co-Chairman at Bicol Saro Rep. Terry Ridon na alinman sa Senador at Kongresista ang posibleng nagpasok ng line item na nasa P96 milyong ghost flood control project na nadiskubre sa Brgy. Sipat, Plaridel, Bulacan.
Sinabi ni Ridon na hindi nagmula sa National Expenditure Program (NEP) o sa House General Appropriations Bill ang alokasyon sa proyekto sa Barangay Sipat para sa 2024 General Appropriations Act.
Ayon kay Ridon, ito ay malinaw na galing sa Bicameral Conference Committee kung saan ang mga opisyal ng House Committee on Appropriations at Senate Finance Committee ay pinag-iisa ang bersiyon sa pambansang pondo.
“Hindi po ‘yan executive proposal. Ibig sabihin po niyan, either congressman o senador ‘yung nagpasok niyan bilang line item sa ating 2024 budget,” punto ng solon.
Sinabi ni Ridon na ang makakasagot nito ay ang Bicameral Conference Committee noong 2023 para mabatid kung sino ang nagpasok ng line item at maari rin aniya itong sagutin ni ex-DPWH District Engineer Henry Alcantara o kaya ay sa Wawao Builders.
Inihayag ng solon na dapat malaman kung sino ang nagpasok ng line item sa P96 milyong ghost project ng Wawao Builders sa First Engineering District.
Sa panig naman ni DPWH Secretary Vince Dizon, binisita niya ang proyekto noong Huwebes at laking gulat niya ng malamang may tatlong linggo pa lamang nitong Agosto sinisimulan ang proyekto gayong sa mga dokumento ng DPWH ay sinertipikahang tapos na ito at nabayaran na sa Wawao Builders noon pang Hulyo 2024.
“Ang tawag diyan patay na binubuhay, gustong isalba at takpan ang kanilang mga kalokohan,” saad ni Dizon na sinabing ang duration para matapos ang proyekto ay nasa 270 araw lamang.
“Klarong-klaro na ghost project ito pero dahil sa nangyayari, hinahabol ngayon…Kahayupan na ito. Hindi tao ang mga taong ito,” saad ni Dizon sa pagbisita sa nasabing ghost project na aminadong lubha nitong ikinadismaya.
