Senators, congressmen gisahin din! | Pilipino Star Ngayon


Ludy Bermudo — Pilipino Star Ngayon

September 7, 2025 | 12:00am

‘Di lang mga kontratista

MANILA, Philippines — Kinwestyon ni Jaro Archdiocesan Social Action Center (JASAC) Director Monsignor Meliton Oso ang ginagawang pagdinig ng Senado sa maano­malyang mga flood control projects na pawang mga kontratista lamang ang iniimbestigahan gayung sangkot din sa pagpapatupad ng proyekto ang mga mambabatas.

“Bakit mga kontratista lang ang tinututukan? Dapat ding siyasatin ang mga nagpanukala ng mga proyektong ito—ang mga kongresista at senador,” ani Oso.

Iginiit niya na walang multi-milyong pisong proyekto ang maisasakatuparan nang walang basbas ng lehislatura at budget insertions.

Ayon sa pari, mga kontratista ay nakatatanggap lamang ng humigit-kumulang 10 porsyento ng pondo, samantalang umaabot sa 20–25 porsyento ang napupunta umano sa mga mambabatas.

“Gaya ng sinabi noon ni Senador Panfilo Lacson, bawat isa ay may sariling bahagi sa cake,” aniya, sabay diin na higit pa ang nakikinabang na mga mambabatas kaysa sa mga tagapagtayo.

Aniya pa, ang umano’y ?1.9 trilyong nawaldas sa korapsyon ay nagamit sana para maiahon ang 14.4 milyong pamilyang Pilipino sa kahirapan sa pamamagitan ng pagkain, kalsada, at mga pangunahing serbisyo.

Binanggit din ng pari na sistematiko na ang katiwalian sa public works at hindi malulutas kung mga mambabatas din ang mag-iimbestiga sa kanilang kapwa.

Hinimok ni Oso ang mga mamamayan, inhin­yero, at mga propesyonal na isiwalat ang mga iregularidad sa pamamagitan ng complaint website ng Pangulo, at iginiit na matatapos lamang ang korapsyon kung hindi mananahimik ang publiko.