OKLAHOMA CITY — Bumira si Shai Gilgeous-Alexander ng 42 points para banderahan ang Thunder sa 136-120 pagpapatumba sa Los Angeles Lakers kung saan napatalsik si Luka Doncic sa fourth period.
Nagdagdag si Jalen Williams ng 26 points para sa pagbangon ng Oklahoma City (65-14) sa 126-99 kabiguan sa Los Angeles (48-31) noong Linggo.
Dumikit ang Thunder sa pagkopo sa best record sa NBA at ang pagsikwat sa home court advantage sa playoffs.
Umiskor si Doncic ng 23 points sa panig ng Lakers bago nasibak sa fourth quarter matapos ang kanyang ikalawang technical foul.
May 28 points si LeBron James kasunod ang 24 markers ni Austin Reaves para sa Los Angeles na kinuha ang 98-97 abante sa pagtiklop ng third period bago humataw ang OKC sa fourth quarter.
Sa Cleveland, kumamada si Darius Garland ng 28 points at tumipa si Evan Mobley ng 21 points, 11 rebounds at 7 assists sa 135-113 pagdurog ng Cavaliers (63-16) sa Chicago Bulls (36-43) at kunin ang top seed sa Eastern Conference.
Sa New York, ipinasok ni Kristaps Porzingis ang tiebreaking triple sa huling 40 segundo sa overtime sa 119-117 paglusot ng nagdedepensang Boston Celtics (59-20) sa Knicks (50-29).