Signs na nasisira na ang kidneys


DOC WILLIE — Dr. Willie T. Ong — Pilipino Star Ngayon

October 18, 2025 | 12:00am

1  Kapag mataas ang creatinine level, ibig sabihin ay posibleng may sira na ang kidneys. Kadalasan, tumataas lamang ang creatinine kapag may 50 percent damage ang kidneys. Magpatingin agad sa doktor.

2. Kung may diabetes at altapresyon, bantayang mabuti ang kidneys. Ikontrol ang antas ng blood sugar at blood pressure. Magagawa ito sa pamamagitan ng diyeta, ehersisyo at pag-inom ng maintenance na gamot.

3. Makikita sa urinalysis kung may impeksyon, dugo o protina sa ihi. Kapag nag-positibo sa albumin (isang protina) sa urinalysis, maaaring may sakit na sa kidneys. Magpatingin sa kidney specialist.

4. Kadalasan, walang nararamdaman ang mga may sakit sa kidneys. Kapag may kidney failure na, humihina na ang daloy ng ihi. Huwag paabutin sa ganitong kondisyon bago magpagamot.

5. Limitahan ang paggamit ng pain relievers. Ang mga pangkaraniwang pain relievers tulad ng mefenamic acid, ibuprofen, at mamahaling pain relievers tulad ng celecoxib ay puwedeng makasira ng kidneys. Kailangan ay limitahan ang paggamit nito sa isang linggo lamang. Pagkatapos ay ipapahinga muna ang kidneys, bago muling bigyan ng gamot sa kirot. Kaya kung ika’y may arthritis, lagyan na lang ng mainit na tubig ang tuhod at gumamit ng paracetamol tablet.

6.Bawasan ang alat sa pagkain at limitahan ang protina sa pagkain. Kumain ng isda, gulay at prutas.

7.Huwag sobrahan ang pag-inom ng Vitamin C. Hanggang 500 mg lang ng Vitamin C ang nirerekomenda. Ang sobrang vitamin C ay puwedeng magdulot ng kidney stones. Ang kidney stones ay puwedeng umabot sa kidney failure kapag hindi naagapan.

8. Uminom ng sapat na tubig araw-araw. Ang pangkaraniwang payo ng doktor ay ang pag-inom ng walong basong tubig sa isang araw. Makatutulong ito sa pag-iwas sa kidney stones o bato sa bato.