Sila-sila, imbes na tayo-tayo ang kalahok sa gobyerno


SAPOL — Jarius Bondoc — Pilipino Star Ngayon

January 19, 2026 | 12:00am

Limang klase ang political dynasties, pag-aaral ni Kontra Dinastiya founder Alex Lacson:

(1)  Pinapamana – isinasalin ang puwesto ng magulang sa anak, mister sa misis, o ng kuya sa kapatid.

Isang daang pamilya lang ang naghahari sa mga probinsiya at lungsod mula nu’ng huling dalawang dekada ng kolonyalismong Kastila. Sila lang, hindi ang constituents, ang yumaman mula noon.

(2)  Magkapares – Sabay na kinokopong ng mag-asawa, magulang at anak, o magkapatid ang pagka-gobernador at bise, o mayor at bise. Nako-kontrol nila ang lokal na ehekutibo at konseho. Solo nila ang mga proyekto at budget. Lumala ito nu’ng Halalan 2022 at 2025. Mahigit 80% sila ng local na opisyales.

(3)  Sabay-sabay – Buo-buong pamilya ang nakapuwesto.Gobernador at bise na ang magulang, mayor, bise at kongresista pa ang mga anak at asawa nila.

Nakokopong nila ang pamumuhunan, negosyo, transportasyon, lupain, turismo, kalakalan, pati mga gasolinahan at hardware stores. Ehemplo si Speaker Faustino Dy III. Dalawang pamangkin ay kongresista rin, at 14 pang mga anak, kapatid, at mga asawa ang mayor at bise sa Isabela.

(4) Kongreso at Konseho – Pinapasok ng ­magkapamilya ang Senado, Kamara de Representantes, provincial board, at konseho ng lungsod at munisipyo.

Apat na pares ang magkapatid sa Senado: ang mga Tulfo, Estrada, Villar, at Cayetano.

(5) Party-list – Magkaka-pamilya ang nominees ng party-list.Ehemplo si ex-Speaker Martin Romualdez. Ang asawa niyang si Yedda at anak nilang si Andrew ay nominees ng Tingog party-list.

Sila-sila lang, imbes na tayo-tayo, ang kalahok sa gobyerno.