Sindikato sa LTO-Aritao Nueva Vizcaya, nalansag!


NASABAT ng Department of Transportation-Cordillera traffic regulation enforcers, Regional Highway Patrol Unit at Baguio City police noong Biyernes sa Bokod, Benguet ang dalawang dosenang aplikante na kumuha ng driver’s license. Nakasakay sila sa tatlong pribadong sasakyan. Pabalik na ang mga ito mula LTO-Aritao, Nueva Vizcaya.

Dala ng mga aplikante ang kanilang driver’s license na kinuha sa LTO-Aritao District Office. Paniwala nila, lusot na sila dahil nakakuha na ng lisensiya para makapagmaneho ng pribado o pampasaherong sasakyan.

Nagbayad ang mga aplikante ng “package fee” na P9,000. Wala nang written at practical examination. Mabilis umano ang proseso sa LTO-Aritao.

Ayon kay DOTr-CAR regional director Glenn Dumlao, mula June 20-27, nakaapat na biyahe na ang mga fixer at nagkamal na ng P1-milyon sa mga aplikante. Galing sa Pangasinan, La Union, Baguio City at Benguet ang mga aplikante.

Nagtatagumpay ang mga fixer dahil may mga kakutsaba nila sa LTO-Aritao District Office at LTO-Cagayan Valley regional office.

Ngunit sa pakikipagtulungan ng mga aplikanteng nabiktima, nabisto ang express drivers licensing racket. Natunton na rin ang mga miyembro ng sindikato sa LTO.

Ang bayad para makakuha ng lisensiya ay P1,000 lamang.  Nangangahulugan na P8,000 ang ibinubulsa ng sindikato sa bawat nabibiktimang aplikante.

Ayon kay Dumlao, binabalahura ng sindikato ang pagkuha ng lisensiya. Nangangahulugan din aniya ito ng kapahama­kan sa publiko dahil hindi na sumasailalim o dumadaan sa pagsu­sulit ang mga kumukuha ng lisensiya. Malaking kapahamakan sa publiko ang ginagawa ng sindikato lalo ngayong sunud-sunod ang mga nangyayaring trahedya sa kalsada.

Karamihan ng mga aksidente sa lansangan ngayon ay dahil sa pagkakamali ng driver. Halimbawa na lamang ay ang nangyaring pagbangga ng pampasaherong bus sa mga sasakyan habang nasa toll gate sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) noong Mayo 1, 2025 na ikinamatay ng 10 katao. Bukod pa riyan, marami pang aksidenteng naganap na ang dahilan ay ang kawalan ng kakayahan ng drayber na magmaneho.

* * *

Para sa komento, i-send sa: [email protected]