January 7, 2026 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Minsan lang ma-in love ang anak kong lalaki, pero sa isang single mom pa at 16 years ang tanda sa kanya.
Hindi ko naman hinuhusgahan ang mga single mom. Pero 4 ang anak niya sa iba’t ibang lalaki. Diretsong kinausap ko ang girlfriend ng anak ko. Okey naman daw sa kanya kung makahanap ang anak ko ng mas bata sa kanya.
Nitong Christmas at New Year ay nasa bahay namin ‘yung girlfriend. Tinanong ko siya kung nasaan ang mga anak niya. Sabi niya, nasa nanay raw niya. Tama ba ‘yun?
Ano ba gagawin ko? Hindi ko alam kung bakit nabola niya ang anak ko. Although nag-aabot naman siya sa amin. Pero syempre inako na rin niya ‘yung instant family ng girlfriend niya.
Manang
Dear Manang,
Hindi mo nabanggit kung ilang taon na ang anak mo. Pero assuming na nasa legal age na siya, bilang magulang ay hindi mo na saklaw ang puso at mga magiging desisyon niya.
Ang tanging magagawa lang natin bilang magulang ay magbigay ng pangaral o kaya’y suportahan sila sa mga bagay o situwasyon na kinasasangkutan nila.
Ang payo ko ay ilapag mo sa Panginoon na siyang my access sa puso natin, na ilayo ang iyong anak sa relasyon na hindi makakabuti para sa kanya. At bigyan siya ng sapat na karunungan sa mga desisyong gagawin niya. Hindi pa naman siguro nasa huling byahe ang iyong anak, at baka maaari pang mabago ang kanyang pasiya tungkol sa pakikipagrelasyon sa may apat na anak. Kasama mo ako sa panalangin.
Dr. Love