ANG darating na local government election dito sa Davao City ay isa sa pinaka-aabangan. Dito makikita kung ano ang katayuan ni dating President Rodrigo Duterte sa larangan ng pulitika kung siya ay iboboto pa ng 1.6 million na botante rito sa pagka-mayor o hindi na.
Ang kalaban ni Duterte sa pagka-mayor ay si Atty. Karlo Nograles na dating Cabinet Secretary at presidential spokesperson hanggang maging chairman ng Civil Service Commission bago nagbitiw sa puwesto at nagdesisyong tumakbo sa pagka-mayor dito.
Kaya nga kaabang-abang ang resulta ng election dito sa Davao—Duterte ba o Nograles.
Dalawa sa mga anak ni Duterte, si Paulo o “Polong” at si Sebastian “Baste” ay tumatakbo rin. Si Polong sa pagka-first district representative at si Baste bilang vice mayor ng tatay nila na kasalukuyang nakapiit sa ICC facilities sa The Hague dahil sa kasong crime against humanity mula pa Marso 11.
Kahit na nakapiit si dating President Duterte, puwede pa rin siyang tumakbo sa local government dito sa May 12 elections.
Tumatakbo rin sa pagka-second district representative si Omar na anak ni Paulo at ang isa pang anak ni Paulo na si Rodrigo Duterte III na first district councilor.
Ang nakababatang kapatid naman ni Karlo na si Migs ay tinapatan si Paulo bilang first district representative ng Davao City.
Mahigit isang linggo na lamang at midterm elections na. Ano kaya ang kahihinatnan ng mga pangarap ng mga tatakbo sa election. Kaabang-abang ang mga mangyayari.