Sisi, Thea tumulong sa nasalanta ng bagyo


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 11, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pinangunahan nina Premier Volleyball League (PVL) stars Sisi Rondina ng Choco Mucho at Thea Gagate ng ZUS Coffee ang pagkalap ng pondo para sa mga nasalanta ng bagyo sa Cebu City.

Nagpost sa social media si Rondina upang manawagan ng pagkakaisa upang tulungan ang mga naapektuhan ng bagyo.

Nais ni Rondina na ma­kalikom ng pondo para sa pagkain at tubig ng mga nasalanta partikular na sa Barangay Estaca na malapit sa karagatan.

“Please help me raise funds for food and water for my neighbors in Barangay Estaca especially those living near shoreline,” ani Rondina sa kanyang post.

Umabot na sa mahigit P200,000 ang nalikom ni Rondina na gagamitin nito para makabili ng bigas, de lata, kape, noodles at iba pang mga pangunahing pangangailangan ng mga nasalanta.

“Kahit konti, basta ma­raming mabigyan. Malaki man o maliit ang donasyon na binigay n’yo, marami po tayong mabibigyan at mapapasaya sa mga tulong na binigay n’yo,” ani Rondia.

Ganito rin ang panawagan ni Gagate na may mga kamag-anak sa Talisay Cebu na lubos na naapek­tuhan ng bagyo.

Nagpost din ito sa kanyang sariling social media account para sa donation drive.

“I’m knocking on your kind hearts to help me raise funds for my relatives and their neighbors in Barangay Dumlog, Mohon and Biasong, Talisay Cebu. They have been r­eaching out to ask for food, water and shelter,” ani Gagate.

Sa kabilang banda, sumali rin si Alas Pilipinas pool member at dating De La Salle University standout Noel Kampton sa kampanya kung saan nag pa-bid ito ng kanyang jersey na ginamit sa SEA V.League kasama ang Alas.