October 24, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Solo liderato ang hangarin ng Talk ‘N Text kontra sa bagitong Titan Ultra sa pagpapatuloy ng PBA Season 50 Philippine Cup ngayon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Magpapangbuno ang 2 koponan sa main game sa alas-7:30 ng gabi matapos ang sagupaan ng Rain or Shine Elasto Painters (1-1) at Blackwater Bossing (1-1) sa alas-5:15 ng hapon.
Katabla ngayon ng Tropang 5G ang Magnolia, NLEX at Converge sa 2-1 kartada kaya kung makakalusot sa Giant Risers ay masosolo ang tuktok papalapit sa kalagitnaang bahagi ng eliminasyon.
Kagagaling lang ng mga manok ni coach Chot Reyes sa 110-103 panalo kontra sa Converge sa kauna-unahang PBA out-of-town game sa Chavit Coliseum sa Vigan, Ilocos Sur noong nakaraang Sabado.
Naging matamis na higanti iyon ng Tropa matapos ang 92-77 kabiguan sa karibal na Barangay Ginebra kasunod ng 93-78 debut win sa Phoenix para sa tangkang unang winning streak nito.
Upang magawa ito ay aatasan ni Reyes sina Roger Pogoy, Calvin Oftana, Rey Nambatac, Kelly Williams at Brandon Ganuelas-Rosser na bumandera sa panalo nila kontra sa FiberXers.
