Solong liderato target ng NLEX sa Ginebra


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

November 2, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Hindi pe-preno ang NLEX kontra sa Barangay Ginebra para makaalpas mula sa trapik ng team standings sa PBA Season 50 Philippine Cup ngayon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.

Haharapin ng Road Warriors sa daan ang Gin Kings sa main game sa alas-7:30 ng gabi pagkatapos ng bigating tapatan sa pagitan ng Converge (3-1) at reigning champion na San Miguel Beer (3-2).

Katabla sa ngayon ng NLEX sa unahan ng expressway ang Magnolia, Talk ‘N Text at Rain or Shine hawak ang parehong 3-1 kartada. Nasa buntot lang nila ang Converge (3-1).

Kung makakalusot ay solo uli sa tuktok ang mga bataan ni coach Jong U­ichico upang mapalakas ang tsansa sa Top 4 na may sahog na twice-to-beat advantage sa quarterfinals.

Sa kabutihang palad, may 3 game winning streak na masasandalan ang Road Warriors pinakabago na ang 99-88 panalo kontra sa Blackwater Bossing.

Bago iyon ay kinaldag ng NLEX ang Meralco, 89-85, at Phoenix, 87-81, para sa matamis nilang bawi mula sa silat na 97-91 pagkatalo sa Terrafirma.

Malaking tulong sa Road Warriors ang pagbabalik ni Robert Bolick matapos umuwi muna sa Amerika dahil sa pagpanaw ng kanyang ama.

Inaasahang si Bolick uli ang bibida sa NLEX sa tulong nina Kevin Alas, Xyrus Torres, Anthony Semerad, JB Bahio, Brandon Ramirez, Jonnel Policarpio, Robbie Herndon at Javee Mocon.