Sorela out na sa MPBL


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 13, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Hindi na masisilayan pa si Gensan Warriors player Michole Sorela sa anumang laro ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).

Ito ay matapos patawan ng MPBL ng lifetime ban si Sorela nang suntukin nito si Jonas Tibayan ng Min­doro Tamaraws sa kanilang laban noong Lunes ng gabi sa Batangas City Coliseum.

Kita sa video ang ma­­la­kas na suntok na pina­kawalan ni Sorela dahilan upang bumagsak si Tiba­yan sa kaagahan ng ikatlong kanto ng laro.

“We condemn the incident, and the MPBL won’t tolerate such actions. It compromises the pla­yer’s safety and taints the league’s image,” pahayag ni MPBL commissioner Kenneth Duremdes.

Maliban sa lifetime ban, pinatawan din ng liga si Sorela ng P200,000 multa.

“I’ve seen the worst and this is one of them. The league has the full authority to impose sanctions on this deplorable behavior,” ani Duremdes.

Dahil sa matinding suntok, nagtamo si Tibayan ng iba’t ibang injuries kabilang na ang putok na labi, basag na panga at shoulder injury.

Inaasahang maglala­bas din ng statement ang GAB na siyang nanganga­laga sa mga professional players sa bansa kabilang na ang pagbibigay ng lisensiya sa mga ito.