Kampeon hihirangin ngayon
LABRADOR, Pangasinan, Philippines — Habang inangkin ni Joseph Javiniar ng Excellent Noodles Cycling Team ang Stage 7 ay tiyak namang magiging mainit ang bakbakan sa panapos na Stage 8 ng 2025 MPTC Tour of Luzon.
Nakatakdang pakawalan ngayong umaga ang 172.53-km Lingayen-Baguio City Stage 8 kung saan madedetermina ang tatanghaling overall individual champion na magbubulsa sa premyong P1 milyon.
Bumabandera pa rin si Stage 1 winner Dae Yeong Joo ng Gapyeong Cycling Team na may 17:59:37 sa eight-stage race na inihahandog ng DuckWorld PH at Cignal katuwang ang Pilipinas Live, Meralco, Maynilad, Metro Pacific Health, Megaworld, Landco, PLDT at Smart.
“I just need to keep going, because there are only two of us in the team,” wika ni Joo sa pagkawala ng kanyang tatlong teammates na sangkot sa banggaan sa Stage 6.
Nasa ilalim ni Joo sina Mervin Corpuz (-0:02:10) ng MPT Drivehub, Nichol Pareja (-0:03:05) ng Victoria Sports, Jan Paul Morales (-0:03:09) at Jeremy Lizardo (-0:03:14) ng Standard Insurance Philippines.
“Pakiramdam ko mas magandang laban na. Iyong 100 percent na lakas na natitira, ibibigay ko na talaga,” sabi ng Pangasinan rider na si Corpuz.
Samantala, nagtala si Javiniar ng 00:17:25 segundo para pagharian ang 5.14-km individual time trial Labrador-Lingayen Stage 7 na binitawan sa Brgy. Quibaul, Lingayen at nagtapos dito sa Labrador Municipal Hall kahapon.
Nauna nang nanalo si Javiniar sa 166.65 Clark-Clark Stage 5 matapos dumale ng back-to-back stage win si Ean Cajucom ng Victoria Sports Cycling Team sa 135-kilometer Stage 3 at 168.76-km Stage 4.
Sumunod kay Javiniar sina Joo at Corpuz na may 38 at 52 segundo ang agwat, ayon sa pagkakasunod.
Patuloy pa ring nangunguna ang Standard Insurance Philippines sa team overall standings sa kanilang 71:01:14 sa hangaring makuha ang premyong P1 milyon.
Nasa ilalim ang MPT Drivehub (-0:00:32), Go for Gold (-0:00:55), 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines (0:01:52) at Victoria Sports (-0:03:19).
