Suns itinakas ni Gillespie sa Wolves


Pilipino Star Ngayon

November 23, 2025 | 12:00am

PHOENIX — Isinalpak ni Collin Gillespie ang isang go-ahead jumper sa huling 6.4 segundo para sa 114-113 pagtakas ng Suns sa Minnesota Timberwolves sa isang NBA Cup game.

Tumapos si Gillespie na may 20 points tampok ang nasabing game-winning 10-foot jumper para sa 2-0 record ng Phoenix (10-6) sa group play habang may 22, 19 at 16 markers sina Dillon Brooks, Mark Williams at Devin Booker, ayon sa pagkakasunod.

Kumamada si Anthony Edwards ng 41 points para sa 2-1 marka ng Minnesota (10-6) sa group play.

Hawak ng Timberwolves ang 113-105 abante sa huling 1:09 minuto ng fourth quarter nang humataw ang Suns para makadikit sa 112-113 kasama ang layup ni Jordan Goodwin sa natitirang 21.4 segundo.

Mintis ang dalawang free throws ni Edwards sa nalalabing 12.7 segundo para sa Minnesota na nagresulta sa winning jumper ni Gillespie para sa Phoenix.

Sa iba pang laro, dinomina ng nagdedepensang Oklahoma City Thunder ang Utah Jazz, 144-112; tinalo ng Denver Nuggets ang Houston Rockets, 112-109; sinunog ng Mia­mi Heat ang Chicago Bulls, 143-107; wagi ang Brooklyn Nets sa Boston Celtics, 113-105; at panalo ang Portland Trail Blazers sa Golden State Warriors, 127-123.