MANILA, Philippines — Naibalik na ang suplay ng kuryente sa mga pagamutang naapektuhan ng 7.8 magnitude na lindol sa Mindanao.
Ayon sa Department of Energy (DOE), mahalagang maibalik ang suplay ng kuryente sa mga pagamutan upang matiyak ang tuluy-tuloy na pagkakaloob ng mga ito ng serbisyong medikal sa mga komunidad na naapektuhan ng lindol.
Pinuri rin at pinasalamatan ng DOE ang mga line workers, engineers, electric cooperatives, local government units, emergency responders, at iba pang manggagawa ng sektor ng enerhiya na kanilang 24-oras na pagtatrabaho upang maibalik lamang sa normal ang suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar sa rehiyon.
Sa kanyang panig, tiniyak ni Department of Health (DOH) spokesperson Albert Domingo na tuluy-tuloy rin ang operasyon ng mga pagamutan sa Mindanao.
“Lahat naman ng ating anim na ospital ay operational. Isa sa Davao Region, tatlo sa SOCCSKSARGEN, dalawa sa Northern Mindanao,” ayon kay Domingo, sa panayam sa radyo nitong Linggo.
“’Yung mga rural health unit, may isa pang non-functional. Sa barangay health stations, mayroong dalawa na non-functional. Maaayos ito in the next few days,” aniya pa.
Nag-deploy na rin aniya ang DOH ng dalawang Philippine Emergency Medical Assistance Teams (PEMAT) sa Sarangani, kung saan natagpuan ang epicenter ng lindol.