MANILA, Philippines — Nasa 78% ng mga Pinoy voters ang boboto sa mga kandidatong handang ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) kontra sa China.
Ang naturang survey ay kinomisyon ng Stratbase at isinagawa ng Social Weather Station (SWS) sa buong bansa, mula Pebrero 15 hanggang 19.
Lumitaw na 78% ng mga botanteng Pinoy ang mas nais na iboto ang mga kandidatong naniniwala na dapat na igiit ng Pilipinas ang ating karapatan laban sa agresibong aksiyon ng China sa WPS.
Nasa 77% naman ang naniniwala na dapat pang palakasin ng pamahalaan ang kanilang pakikipag-alyansa sa ibang bansa, sa pamamagitan ng joint patrols, joint sails, at joint military exercises upang igiit at idepensa ang territorial at economic rights ng Pilipinas sa WPS.
“During election time, we run surveys month after month to gauge where the Filipino people stand on certain issues. Just a few days back, we spoke of at least eight out of ten Filipinos who would like to support candidates who will stand up for the sovereignty of the Filipino people,” ayon kay Stratbase president Dindo Manhit, sa isang forum.
Gumamit ang survey ng face-to-face interviews sa 1,800 registered voters, na edad 18-taong gulang pataas sa Metro Manila, sa Balance Luzon (o Luzon sa labas ng Metro Manila), Visayas, at Mindanao.
