Taas-sahod ng unipormado wala sa pambansang budget


SAPOL — Jarius Bondoc — Pilipino Star Ngayon

January 9, 2026 | 12:00am

NAGING kongresista at senador si Bongbong. Dapat alam niya na Kongreso ang may kapangyarihan sa pagpo­pondo. Nagpapanukala lang ng mga proyekto at budget ang Ehe­kutibo. Pero dapat hintayin ng Presidente ang pagsang-ayon ng mga senador at kongresista.

Sinuway ‘yan ni BBM nu’ng Dec. 3. Bigla siyang nag-utos ng taas-sahod ng mga sundalo, pulis, coastguards, bum­­bero, guwardiya sa karsel at piitan, at mga nagmamapa. Epek­tibo raw ito ng Jan. 1, 2026. Tapos muling magtataas sa Jan. 1, 2027 at Jan. 1, 2028.

Nasa kalagitnaan noon ang Kongreso sa pagpasa ng 2026 national budget. Wala roon ang taas-sahod ng mga unipor­mado. Nag-iingat ang mga mambabatas sa pagba-budget dahil galit ang mamamayan sa trilyun-trilyong pisong insertions. Sa peke at palpak na flood works pa lang ay P1.7 trilyon na ang ninakaw nu’ng 2016-2025.

Tapos ngayon may biglang bilyun-bilyong pisong insertion si BBM para sa mga unipormado.

Dapat lang naman dagdagan ang kinikita ng mga unipormado. Bingit-buhay sila parati sa pagtupad ng misyon.

Pero dapat ilagay sa tamang paraan ang pagbigay sa kanila ng benepisyo. Hindi komo nag-aalala si BBM na baka i-kudeta siya ay bigla na lang silang aabutan ng pera. Gina­gawa niyang personal bodyguards ang mga unipormado.

Nasira ang imahe ng pulis nu’ng pangulohan ni Rody Duterte. Ginamit niya kasi ang PNP na pangpatay ng libu-libong drug suspects. Dinoble niya ang sahod ng mga unipormado. Pero hindi niya ito basta-basta inutos. Pinakiusapan niya ang Kongreso na isabatas ito.

Dahil sa galit ng mamamayan sa katiwalian, nangalo si BBM na aayusin ang pagba-budget. Tumupad sana siya sa salita.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).