HINDI lang ito panukalang batas. Isa itong matapang na paninindigan laban sa sistemang matagal nang sumasakal sa demokrasya ng Pilipinas. Ang pagsusulong ni Sen. Robin Padilla ng Resolution of Both Houses No. 9 ay tila isang matulis na sibat na ngayon pa lamang ay binabatikos na ng mga naghaharing angkan na ayaw pakawalan ang kapangyarihan.
Isang katotohanan na halos hindi na maitatanggi, 70 percent ng mga mambabatas ay mula sa mga pamilyang pulitikal. Sa bawat halalan, iisa ang apelyidong paulit-ulit. Palit-palit lang ng puwesto: mayor ngayon, governor bukas, congressman sa susunod, tapos asawa o anak ang susunod sa trono.
Ang ipinapanukalang amyenda sa Konstitusyon ay simpleng prinsipyo ng katarungan: Ang pamahalaan ay hindi dapat maging family corporation. Ang serbisyo publiko ay para sa lahat ng mamamayan hindi lamang para sa mga pamilyang may pangalan, yaman, at impluwensiya.
Hindi ito laban sa mga taong may kakayahan na nagkataong kamag-anak ng mga opisyal. Ito ay laban sa sistemang ginawang negosyo ang pulitika. Kapag pinayagan nating mamayagpag ang dinastiyang pulitikal, hinahayaan nating mabulok ang haligi ng demokrasya: ang pantay-pantay na pagkakataon para sa bawat Pilipino.
Kung ang intensyon ni Padilla ay tunay at walang bahid ng pansariling interes, ito ay isang hakbang na dapat purihin. Ngunit hindi rin dapat tayo bulag. Ang mga ganitong panukala ay hindi magtatagumpay kung walang tunay na suporta mula sa taumbayan. Ang problema ay hindi lang batas kundi ang kultura ng takot at pagkakampi-kampi na nakaugat sa pulitika.
Kailangan nating gisingin ang bayan sa katotohanang ang kapangyarihang hindi napapalitan ay kapangyarihang inaabuso. Kung hindi natin sisimulan ngayon, kailan pa?
DISKLAYMER: Ang opinyong ito ay isinulat para sa layuning pampubliko, pang-edukasyon, at pampulitika. Hindi ito direktang iniuugnay o iniaakusa sa sinumang partikular na tao o opisyal. Lahat ng pangalan o termino ay ginamit bilang bahagi ng lehitimong komentaryo batay sa mga pampublikong ulat. Ang layunin ng manunulat ay makapag-ambag sa malayang talakayan bilang bahagi ng konstitusyonal na karapatan sa malayang pamamahayag. Ang sinumang nais tumutol, mariing inaanyayahan sa bukas na talakayan.