Tatang Bibo chessfest sa Koronadal City


MANILA, Philippines — Sasalang ang mga beterano at batang players mula sa SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City) sa 2025 Tatang Bibo chess festival na pamamahalaan ng Koronadal City sa unang pagkakataon.

Susulong ang nasabing one-day event bukas sa City Mall.

Nakalatag sa ikatlo sa serye ng mga torneong nagbibigay-pugay kay chess patron Jessie Villasin at inorganisa ni Joselito Dormitorio ang 1950-below open at 13-under youth divisions.

Ikinatuwa ni South Cotabato Congressman-elect Ferdinand “Dinand” Hernandez ang kanilang pangangasiwa sa event at naniniwalang magpapalakas ito sa sport sa kanilang probinsya.

“It is my dream that someday a new chess Grandmaster will come from the province,” sabi ng legislator na umaasang magiging major sports hub ang South Cotabato sa Mindanao.

Nakataya ang mga cash prizes, trophies at medals para sa Top 10 players sa dalawang dibisyon kung saan ang magkakampeon sa 1950 and below ay tatanggap ng P5,000.

Ang mananalo sa Kiddies Division ay magbubulsa ng P3,000 mula na rin sa suporta nina Ms. Divine Lebanan, ArmAnn Pharma, Medical Supplies, Dr. Melben Jochico, BetterWorks Construction.

Ang iba pang backers ay ang Aqua Guest House, Dumlao Enterprises, Mr. Rommel Revilla, MYRIAD Water, One Chess Movement, RiChessMasters, Zamboanga Sahaya Dermatology, Byaherong Arbiter, Mr. Alvin Rea at Mr. Teddy Cu.

Ang mga second at third placers sa 1950 and below ay bibigyan ng P3,500 at P2,000, ayon sa pagkakasunod, habang ang top two runners-up sa Kiddies Division ay mag-uuwi ng P2,000 at P1,500.

Idinaos ang unang dalawang events noong Mayo 11 at Hunyo 8 sa Robinsons Galleria Mall sa Ortigas.