ISANG 16-anyos na babae sa China ang muntik nang mamatay dahil sa isang mapanganib na crash diet.
Sa loob ng dalawang linggo, gulay at laxatives lamang ang kanyang kinain sa pagnanais na magkasya ang kanyang birthday dress.
Ang dalagita, na kinilala lamang bilang si Mei, ay isinugod sa emergency room matapos biglang manghina ang kanyang mga braso at binti at makaranas ng hirap sa paghinga.
Inamin niya sa mga doktor na dalawang linggo na siyang nagda-diet upang mabilis na pumayat para sa kanyang nalalapit na kaarawan.
Lumalabas sa mga pagsusuri na bumagsak sa kritikal na lebel ang kanyang blood potassium, na nagresulta sa kondisyong tinatawag na “serious hypokalemia”.
Ayon sa mga doktor, ang hypokalemia ay life-threatening dahil maaari itong magdulot ng respiratory failure at biglaang atake sa puso o cardiac arrest.
Nasa bingit ng kamatayan si Mei at kinailangan siyang isailalim sa isang 12 hour emergency medical procedure upang maisalba ang kanyang buhay.
Bagama’t himalang nakarekober si Mei at nakalabas na ng ospital, ginagamit ngayon ng mga doktor ang kanyang kaso bilang isang matinding babala sa publiko.
Ito ay isang paalala, lalo na sa mga kabataan, laban sa mga mapanganib na paraan ng pagpapapayat nang hindi kumukunsulta sa mga health expert.
Ang kuwento ni Mei ay nag-viral online, kung saan maraming netizen ang nagpahayag ng kanilang pagkabahala. Ito ay nagsisilbing isang malinaw na paalala na ang kalusugan ay hindi dapat isakripisyo para sa pisikal na anyo.