October 17, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Panigurado na ang University of Sto. Tomas sa quarterfinals twice-to-beat advantage pero inaasahang itotodo pa rin ang lakas pagharap nila sa San Beda University sa second round ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup na lalaruin sa San Andres Gym sa Manila, ngayong araw.
Solo sa tuktok ng Pool F ang UST tangan ang 2-0 karta at dahil sa ganda ng inilalaro ng España-based squad ay malaki ang posibilidad na mawalis nila ang makakatunggaling San Beda.
Magsisimula ang paluan ng UST at San Beda sa alas-4 ng hapon sa tournament na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, Summit, Team Rebel Sports, Belo Deo, Eurotel Apo View Hotel, Batangas Country Club, Executive Optical, Baic Auto Philippines, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.
Nais naman ng Lady Red Spikers na maka-isang panalo bago matapos ang second round upang makakuha sila ng momentum sa quarters sa tournament na katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Samantala, magkakaldagan sa unang laro sa alas-12 ng tanghali ang Ateneo de Manila University at University of the Philippines habang magkatapat sa pangalawang laban sa alas-2 ng hapon ang Far Eastern University at College of Saint Benilde.
Mapapanood ang liga sa live and on demand via PusoP.com at Solar Sports.