Tips para maalagaan ang mga mata


DOC WILLIE — Dr. Willie T. Ong — Pilipino Star Ngayon

October 1, 2025 | 12:00am

1. Kumain ng mga pagkaing mabuti sa mata. Ang ma­ber­­deng gulay tulad ng kangkong, broccoli, talbos ng kamote at spinach ay nagpapalinaw ng paningin. Mayaman ito sa anti-oxidants, vitamin A, C, E. Subukan ang kahel, manga at melon. Siyempre ang mapupulang karot, kalabasa at kamatis ay may taglay na vitamin A para sa mata. Ang dilaw na pakwan ay may sangkap na lutein na kailangan ng mata.

2. Ang pagkain ng matatabang isda tulad ng tambakol, tuna, tamban, tawilis, dilis, hito, hipon, salmon, alumahan, tanigi, tulingan at salinyasi ay mahalaga. Mayaman ang mga ito sa omega-3 fatty acids.

3. Magsuot ng sunglass. Bukod sa pagiging sosyal at “in,” pinuprotektahan ng sunglass ang ating mata laban sa masasamang ultraviolet rays ng araw. Ang ultra­violet rays (UV rays) ay puwedeng “makasunog” sa looban ng ating mata (ang retina). Bumili ng sunglass na may markang UV-A at UV-B protection.

4. Mag-ehersisyo. Alam ba ninyo na ang 30 minutos na ehersisyo ay puwedeng magpababa ng pressure ng mata? Ang paghinga ng malalim at pag-relaks ay makatutulong din sa sakit na glaucoma, kung saan mataas ang pressure ng mata.

5. Mag-ingat sa sports. Puwedeng magsuot ng espes­yal na protection eyeglasses na nabibili sa mga sports shops. Gawa ito sa polycarbonate, isang uri ng matigas na plastic.

6. Maghugas palagi ng mga kamay. Para makaiwas sa sore eyes, maghugas lagi ng mga kamay. Huwag ding basta-bastang magkamot o punasan ang mata. Gumamit ng panyo o tissue.

7. Ipahinga ang mga mata. Puwedeng ipikit ang mata habang ika’y nakasakay sa kotse o kaya ay may kinakausap sa telepono. Matulog din ng 7-8 oras.

8. Maghugas ng mata sa paggising at bago matulog. Gumamit lang ng malinis na tubig.

9.Ipa-check ang iyong blood sugar. Kung ika’y may diabe­tes, malaki ang tsansang mag­karoon ng diabetic eye disease. Siguraduhing mababa ang iyong blood sugar sa pamamagitan ng ehersisyo at gamot.

10.Umiwas sa nakasi­silaw na bagay. Huwag tum­itig sa araw at maliwanag na ilaw. Ito ang pinakamahalagang payo para hindi masira ang ating mata. Subukan ding diliman ang computer screen at telebisyon para hindi tayo masilaw.

11.Huwag manigarilyo.

12. Ipagamot ang mga sakit tulad ng high blood, diabetes at alamin ang sakit sa pamilya.

13. Magpa-check-up ng mata. Kung edad 40 pataas, kailangan kada 2-4 taon, sa edad 60 pataas kada 1-2 taon.

14.Narito ang tips sa mga senior citizen na malabo ang mata: 1) Liwanagan ang mga ilaw sa bahay para hindi madapa; 2) Lakihan ang sulat sa mga gamit at telepono; 3) Lagyan ng mga colored tapes sa hagdan para hindi mahulog; 4) Kailangan ang electrical outlet at switches ay nakikitang mabuti; 5) Uminom nang sapat na dami ng tubig para maiwasan ang dry eyes.