MANILA, Philippines — Muling pipilitin ng San Miguel na makopo ang ika-30 korona, habang ang makatabla sa serye ang hangad ng TNT Tropang 5G sa Game Six ng Season 49 Philippine Cup Finals.
Nakatakda ang krusyal na duwelo ngayong alas-7:30 ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Diniskaril ng Tropang 5G ang pagtagay ng Beermen sa titulo matapos agawin ang Game Five, 86-78, para dumikit sa 2-3 sa kanilang best-of-seven championship series noong Miyerkules.
“Our pre-game talk was all about having a very, very long season and now we’re in the final week. I told them to make it the best week, let’s fight as hard as we can and this happens,” ani TNT coach Chot Reyes na binuhay ang hangaring makamit ang Grand Slam.
Matapos malusutan sa Game One, 96-99, ay nilagok ng San Miguel ang Game Two, 98-92, Game Three, 108-88, at Game Four, 105-91, para sa 3-1 lead sa serye.
Nagawa ng Tropang 5G na makabangon mula sa 0-5 panimula at ito rin ang kanilang hinaharap laban sa Beermen.
Lumalaban ang TNT bagama’t wala sina injured Jayson Castro, Rey Nambatac at Poy Erram.
“Manonood pa rin naman ako. Iyon na lang ang magagawa ko to support them, kausapin ‘yong mga players kung anong kailangang gawin. Offensively, defensively, kung ano ‘yong mga nakikita ko sa loob,” ani Erram na nagkaroon ng meniscal tear sa kaliwang binti.
Nanghinayang naman si CJ Perez sa kabiguan ng SMB na tapusin ang serye noong Miyerkules.
Kung makakatabla ang PLDT franchise sa 3-3 ay gagawin ang ‘winner-take-all’ Game Seven sa Linggo sa Pasig City venue.
