Torre: Kayang lutasin ang kaso ng missing sabungeros


KUNG nanaisin pala ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III na mapadali ang pagtunton sa mga labi ng mga 34 missing sabongeros ay magagawa niya. Gamitin na ni Torre ang kanyang abilidad na mapaamin ang 15 pulis na sinasangkot ni Julie ‘Dondon’ Patidongan dahil nasa kustodiya na ng PNP ang mga ito. Sabi ni Patidongan may mga matataas na opisyales ng PNP ang kasapakat umano ng Alpha Group sa paglikida sa mga naniniyopeng sabungeros. Abot kamay na ni Torre na mapaamin ang mga ito upang malinis ang imahe ng PNP.

Ipinahayag ni Patidongan na may super bagyong konek­siyon ang mastermind sa paglikida ng mga sabungeros dahil may mga kasangga pa ito sa mga korte, senador at kon­gresista. Mabigat na paratang ito. Kaya dapat na kumilos na mabilis pa sa kidlat si Torre sa paghanap sa mga bangkay ng mga sabungeros.

Kung sabagay mukhang mapapadali ang paghahanap sa mga bangkay ng sabungeros dahil nagpupukulan na ng akusasyon sina PitMaster Atong Ang at Patidongan. Kasama rin sa inaakusahan si Gretchen Barretto na lumalabas na magkakasama sa ginanap na meeting bago likidahin ang mga naniyope na mga sabungeros.

Duda ko gumagawa ng dirty tactics ang mga nasa likod nang paglikida sa mga sabungeros  dahil pumutok na ang hid­waan ng sindikato sa e-sabong. Nais naman ng mga ka­anak ng mga nawawalang sabungeros na mapaloob sa rehas na bakal ang mga salarin. Kung patuloy na nakalalaya ang mga ito at patuloy ang kamandag ng mga gambling lords, tiyak na darami pa ang papatayin ng mga sindikato.

Dapat kumilos nang mabilis si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla. Tutukan mo ang missing sabungeros.