Treasurer office ng Naic Municipal Hall, pinasok ng magnanakaw


Cristina Timbang — Pilipino Star Ngayon

December 5, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nagsasagawa nga­yon ng malalim na imbestigasyon ang Naic Police hinggil sa naganap na nakawan sa loob mismo ng Naic Municipal Hall, kama­kalawa.

Batay sa ulat, alas-8:30 ng umaga nitong Disyembre 1 nang madiskubre na pinasok at pinagnakawan ang Treasurer Office ng munisipyo.

Dalawang araw ang lumipas bago ito naireport sa pulisya at sa salaysay ni Mrs Soriano sa Naic Police nitong Disyembre 3 lamang nila nadiskubre na napasok ng magnanakaw ang nasabing opisina.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, winasak ng mga hindi nakilalang suspek ang bintana ng pantry area ng munisipyo at dito dumaan papasok at dumiretso sa opisina ng treasurer at nilimas ang hindi pa mabatid na malaking halaga.

Nagsagawa ng canvassing at backtracking operations ang pulisya sa buong munisipyo upang malaman kung saan dumaan palabas ang mga suspek gayundin sa mga CCTV foo­tage sa buong munisipyo partikular na sa opisina ng treasurer.

Kinuhanan din ng mga Fingerprints ang mga empleyado partikular na ang mga nasa Treasurers office para makatulong sa isasagawang imbestigasyon.